jump to navigation

Nais ko’y Muling Tumula Agosto 19, 2009

Posted by lunatica in lit worx, tula.
Tags:
1 comment so far

Mahal na mahal kita…

Higit sa kahit na anong kanta.

Balong walang katumbas ang kalaliman.

Paningin ng isang bulag,

Musika ng bingi,

Berso ng pipi,

Damdamin ng manhid.

Gusto ko muling tumula para sa ‘yo.

Ngunit ‘di ko na maalala kung papaano.

Payapa Hulyo 19, 2008

Posted by lunatica in lit worx.
add a comment

Siyam na tahimik na mga buwan akong nanahan sa iyong sinapupunan. Doo’y binubusog mo ako ng mga kakaibang pagkaing mayro’n ring kakaibang lasa… ngunit gustong-gusto ko naman. Pahingi pa, Ina, gusto ko pa ng isa. Doo’y natitiyak ko ang aking seguridad… batid kong hindi ako mahihirapan at masusugatan. Alam kong sasalingin mo ang lahat ng makapagdudulot sa akin ng takot at pangamba upang pagkaraka’y makita mo ang maliit na repleksyon ng iyong mukha… ninyo ni Ama, sa pamamagitan ng sa akin. Ako’y iyong babasaging kristal… Ganito mo ako kamahal kaya nga ba minahal na kita magmula nang ako’y hangin pa lamang. Hindi ako nagkamali sa pagpili sa iyo!

 

Isang pagkakataong naghahatakan ang buwan at ang araw, nakita ko ang liwanag ng mas malawak na mundo. Ganito pala dito, wala nang nakasisilaw na dilim, wala nang nakabibinging katahimikan, wala nang masikip na kahon… marami nang mga kagaya mo, Ina. May malalaki silang mga mata, at mga kamay, at mga paa, at mga tiyan. Nanliliit ako sa kanila, Ina. Nakatatakot ang kanilang mga hitsura. Dito ka lang sa tabi ko, aluin mo ako patulog. Patdain mo ang aking unang pagpalahaw… patdain mo hanggang humina ang agos ng luha… sayawin mo papalayo ang aking munting hikbi… ikulong mo ako sa iyong mga bisig. Tayong dalawa lang, tayo lang. Isang amoy lang ang pamilyar sa aking maliit at pangong ilong… at iyon ay ang tanging sa iyo.

 

Alam kong nakasisilaw ang liwanag ng mundo, pero ang sabi ng mga Anghel ay may kakaibang ganda pa rin daw ito. Sinubukan kong dumilat saglit… nais ko sanang silayan ang paraiso ng lupa, maganda pala talaga ngunit wala nang mas gaganda pa sa sinapupunan ni Ina. Ang kanyang matamis na halimuyak, teka’t nawawala! Saan na napunta!? Natatakot ako, tingnan mo’t may mainit na likidong lumabas sa pag-aari ko. Ano ito, Ina? Mamamatay na ba ako? Hindi… ayokong mawalay sa ‘yo! Nasaan ka, Ina? Ako’y saklolohan! Iyak… iyak… iyak nang mas malakas. Ito lang ang tanging paraan para maipabatid ko sa ‘yong ako’y naguguluhan.

 

Naririnig ko na ang nagkukumahog na mga yabag niya. Naramdaman ko na ang yapos, pero teka… mapanlinlang… iba ang amoy niya! Hindi siya si Ina! Hindi amoy-araw si Ina, amoy-sampaguita siya! Huwag kang umindayog, kung sino ka man, ako’y nahihilo lang.

 

Isa na namang yabag ang papalapit… ikinulong niya ako sa kanyang mga bisig at alam ko, siya na nga ito. Isukob mo ako, Ina, kung ‘di man sa ‘yong sinapupuna’y sa lugar na pinakamalapit rito na lamang. Dito… ganito lang tayo hanggang magdamag. Samahan mo ako sa muli kong pagsalubong sa dilaw na sinag. Ako’y nauuhaw…

 

Bago ko pa man makilala ang Diyos at bago ko pa man malaman kung ano ang pag-ibig, ikaw nga, ikaw lang, Ina ang un akong Diyos at ang una kong pag-ibig… Sa ‘yo lamang ako napapayapa…