jump to navigation

Ate Marso 18, 2009

Posted by lunatica in short story.
trackback

Kinanlong ako ng mga ulilang kuliglig nang gabing iyon… malamig. Ramdam ko ang marahang pagpatak ng ulan sa aking bunbunan ngunit ‘di ko iyon alintana. Ang mahalaga, maganda ang sikat ng buwan at salitan sa pagkindat ang mga tala (bagamat kakaunti lamang sila ngayon); ang mahalaga, sa wakas ay naintindihan ko na rin siya. Sa loob ng halos labintatlong taon kong pagkamulat, ngayon lang talaga ako lubusang nakakita. Naiintindihan. Nauunawaan ko na siya. Si Ate.

‘Di magkandatuto ang may kaliitan kong mga kamay sa pag-aayos ng napatid na dahon ng aking tsinelas na goma. Salamat sa ‘di maubos na traysikel na dumaraan sa harap ng aming bahay at halos makumutan na ng alabok ang kanan kong paa. Pagkaraa’y dumating siya– si Ate!

“Akin na nga ‘yan at aayusin ko. Ikaw naman kasi, kung saan-saan ka nagsususuot. Makagagalitan ka na naman ng Nanay niyan eh,” malambing ang kanyang boses. Hindi nakasasawang titigan ang kanyang mukha lalo pa’t hihipan ng malamyos na hangin ang maalon niyang buhok. Limang taon ang pagitan ng edad naming dalawa ngunit siya lang ang gusto kong kalaro; ako lang din ang gusto niya (at saigurado ako ro’n!).

“Tara, Ate! Mamato na ulit tayo ng manggang kalabaw sa likod nina Ka Topeng!” at sabay na kaming tatakbo sa paborito naming lugar habang hawak niya ang kanan kong kamay. Ramdam ko ang kalyo ng masisipag niyang palad, ngunit gustong-gusto ko pa rin iyon! Pakiramdam ko, amin lang ni Ate ang mundo.

Isa… dalawa… tatlo at biglang iindayog ang mga sanga ng matanda at mahantik na puno; kasabay na lalaglag ang aming matatamis na puntirya.

“Hoy! nariyan na naman kayong mga bata kayo! Alis! (ubo, ubo) Alis sabi, eh! (ubo, ubo),” ika ng maramot na matanda habang kami naman ni Ate ay nagmamadaling tumatakbo palayo.

“Hmp! Akala mo kung sinong gwapo, iniwan naman ng asawa!” sabi ni Ate habang idinidildil ang pisngi ng mangga sa baon naming asin. Ako nama’y tatawa– malakas at malutong!

“Saan na naman kayo napasuot? Ginabi na naman kayo! Aba, delikado ang panahon ngayon ‘di tulad no’ng araw. Kababae niyong mga tao nilulubugan kayo ng araw sa kalsada. Noong bata ako hindi pwedeng ganyan…” litanya ni Nanay. Si Ate nama’y hahalik lang sa pisngi (ni Nanay) at ngingising dadalhin ako sa kusina upang maghugas ng kamay. Mapapailing na lang tuloy ang matandang babae.

Nang gabing iyon, namamahinga na ang buong Kalye Katorse ngunit tila may gumising sa akin. Narinig ko ang kakaibang tunog na nagmumula sa aming sala. Pagbangon ko’y sumambulat sa akin ang kahubdan ni Ate, nakapailalim at nagpupumiglas laban sa katawan ni Tatay– huban din. Animo nagmamarakulyong langit ang aking dibdib at nanlaki ang aking ulo.

Taksil. Niloloko lang ako ni Tatay at ni Ate. Masama siyang babae, naibulong ko sa sarili at nagmamadaling bumalik sa ‘king pagkakahiga. Nakapikit ako ngunit ‘di ako mahimbing. Kinikitil ako ng aking nakita. Bakit? Paano? Hindi ko matukoy ang aking nakita ngunit sigurado akong masama iyon. Hindi na ‘ko batang musmos; hindi na ‘ko paloloko kay Ate.

Kinabukasan ay mag-isa akong nagpunta kila Ka Topeng at namato ng mga mangga. May bumagsak na dalawa. Isa sa kanya, isa sa ‘kin, naisip ko.

“Hindi ko naman talaga gusto ng mangga ngayon. Wala akong naibaong asin,” saka ako tumakbo kahit na ‘di pa bumubulyaw ang pobreng matanda. Sa pagmamadali’y napigtal na naman ang dahon ng aking tsinelas. Sa inis ay binitbit ko na lamang ito pauwi.

“Ay, sira na naman?! Akin na, ayusin ulit natin.”

“Hindi, ‘wag na! Magpapabili na lang ako ng bago kay Nanay,” at iniwan ko siyang nakatayo sa may pintuan. Hinahangin ang maalon niyang buhok. Napansin ko ring may pasa ang mabilog niyang balikat.

Lumipas ang maghapon nang ‘di ko man lang siya kinikibo. Ngunit pansin kong may dumudungaw na luha sa kanyang mga mata.

Ate, bulong ko sa sarili.

Kinaumagahan, wala na siya. Nagpupuyos sa galit si Nanay.

“Saan siya nagpunta? Walang modo ang anak mo, Cirilo! Sumama ‘yon sa lalaki!”

“Huwag kang magsalita nang ganyan. Mabait ang anak mo.”

At lalo akong naguluhan. Parang ‘di magkakatugma ang mga pangyayari. Lumubog-sumikat ang araw. Nagpinta na ng dugo ang aking kamalayan. Umigting ang galit ko sa pagkakataon, kay Ate, kay Tatay, sa sala, sa punong mangga, sa asin, sa tsinelas na goma.

Gabi-gabi’y dinadalaw pa rin ako ng alaalang iyon. Dalawang aninong nagpupumiglas sa aming sala. At mapapaiyak ako. At magagalit. At mangungulila. At mapapahimbing…

Mayroong kung sinong yumapos sa aking katawan. Mainit ngunit nanlalamig na ‘di ko maintindihan. Si Tatay.

“Ssshhh… ‘wag kang maingay.”

Binalak kong sumigaw ngunit sinikmuraan niya ako at sinuntok sa balikat. Nanghina ako. Doon niya ako dinala sa sala. Pinilit kong humulagpos sa pagkakadagan niya sa ‘kin ngunit pakiramdam ko’y wala akong laban. Ako’y nanlupaypay. Bumalik na sa kwarto si Tatay, katabi ni Nanay.

Lumabas ako ng bahay at ipinako ang paningin sa kalawakan. Ninamnam ko ang lamig. Niyayapos ako ng hamog at gusto ko ang pakiramdam niyon. Rumagasa ang mala-sundang na alaala; yaong pumapatay sa akin gabi-gabi.

Nauunawaan ko na ang pasa sa kanyang balikat at ang nakasilip na luha. Gusto kong hagkang muli ang mga bilbil niya. Amuyin ang mabango at maalon niyang buhok. Pagkaraka’y mamamato kami ng manggang kalabaw at ididildil iyon sa asin. Aayusin niya ang aking tsinelas at sisigaw nang muli si Ka Topeng. Magagalit ulit si Nanay dahil ginabi kami at huhugasan niya ang aking mga kamay.

At sasabihin ko na sa kanyang mahal ko siya.

Mga Puna»

1. jamila millar - Marso 18, 2009

asar… bakit 3rd placer lang ang piyesa kong ‘to?! kakorni ng CAL Week na un!!!

2. irish ganda - Abril 2, 2009

yabang!;b aq nga, 5th lang we! ku2san kta jan. haha

jamila millar - Hunyo 17, 2009

ning, bitter tau! baka malasahan nila… ☺